159

Oct 18, 2017 @ 11:36

Zubiri kay Solano: Ginagago mo ba kami?

Hindi napigilan ni Senador Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri ang kanyang emosyon sa pag-arangkada ng ikalawang pagdinig ng Senado sa kaso ng pagpatay kay Horacio ‘Atio’ Castillo III.

Bago ang pagdinig ay nagsagawa ng caucus ang mga senador sa pangunguna nina Senador Panfilo Lacson, Senadora Grace Poe at Senador Sherwin Gatchalian.

Ito ay upang talakayin ang paglalabas nila ng mga sinabi ni John Paul Solano sa executive session noong Setyembre 25.

Si Solano ang miyembro ng Aegis Juris Fraternity na nagdala kay Castillo sa Chinese General Hospital na lumutang sa unang pagdinig.

Sa umpisa pa lamang ng hearing ay naging mainit na si Zubiri at dalawang beses na tinanong si Solano kung ginagago nito ang komite.

“Mr. Solano, ginagago mo ba ang Senado?” tanong ni Zubiri.

Ito ay dahil hindi tumupad si Solano sa kanilang napag-usapan na ilalabas agad ang kanyang sworn affidavit.

Nilinaw naman ni Solano na nagkaroon lamang ng mga hindi makontrol na pangyayari kaya’t hindi nito nailabas ang kanyang affidavit.

Mistulang sinumbatan din ni Gatchalian si Solano at ipinaalala na sa kanilang executive session ay paulit-ulit nitong sinabi na makikipagtulungan siya sa pagsisiyasat.

“Ilang beses mong inulit sa executive session na tutulong ka para maresolba ang kasong ito,” pahayag ni Gatchalian.

Agad namang nag-motion si Zubiri na huwag pagbigyan ang hiling ni Solano na ipagpaliban ang paglalabas ng kanyang affidavit na kinatigan naman nina Poe at Gatchalian at inaprubahan ng komite. (Dang Samson-Garcia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?