39

Jan 9, 2022 @ 21:05
By

Zubiri 10 beses na tutulong sa nasalanta ni Odette

Nangako si Senate Majority Floor Leader Juan Miguel Zubiri na hindi siya titigil sa pamamahagi ng tulong sa mga nasalanta ng bagyong “Odette” sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ayon kay Zubiri, kung isang beses humagupit si Odette sa iba’t ibang rehiyon sa Visayas, Mindanao at bahagi ng South Luzon, 10 beses naman siyang magbibigay ng tulong sa mga nabiktima ng super typhoon.

“Sampung beses po ang kailangang ihatid nating tulong. Ang isang beses na hagupit ni Super Typhoon Odette ay bweltahan natin ng 10 beses na tulong,” sabi ni Zubiri.

“Diez veces, amigos. Nagpapasalamat ako na maraming mga kaibigan ko ang kusang nagdagdag ng pribadong donasyon nung mabalitaan nila na mayroon akong relief operation at naka-advance team na ang aking mga staff,” dagdag pa nito.

Sa tulong ng kanyang mga “anonymous donors, sinabi ni Zubiri na hindi siya nagdalawang-isip na simulan ang Round 1 ng kanyang sustained relief campaign para sa nasalanta ng bagyong Odette.

Ilan sa mga lugar na binisita ni Zubiri para mamahagi ng relief goods ay ang mga sumusunod: Agusan del Norte, Butuan City, Surigao del Norte, Iloilo Province, Iloilo City, Negros Occidental; Bacolod City, Kabankalan City sa Negros Oriental, Cebu, Bohol; at Cagayan de Oro City.

Kabilang sa mga ipinamahagi ng senador ay 2,600 cavans (50 kls. per cavan) locally-sourced na bigas; 1,200 pirasong pcs. modular tents, 2,300 relief food packs, at 50,000 pirasong face masks.

“Bumibili ako ng bigas sa kalapit ng nasalanta para makarating nang mabilis ang relief. Hindi kailangang hintayin pa ako para makapamahagi. Kahit pinabilis ang Navy ships ay maraming araw pa rin iyon katagal mag-load & diskarga,” pahayag ni Zubiri.
“Tayong mga Pilipino, tatlong beses mag-kanin. Kaya locally-sourced ang nababagay sa panahong iyon ng pagkasalanta at agad ipamahagi. May mga susunod pang Rounds,” sambit pa ng Mindanaoan senator.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?