122

Dec 20, 2017 @ 14:42
By

Zero projects ng oposisyon, inalmahan ni Lagman

Umangal si Albay Rep. Edcel Lagman sa pagkaltas ng alokasyon para sa infrastructure projects ng mga kongresistang kritikal sa administrasyon.

Walang nakikitang ibang dahilan si Lagman sa hakbang na ito kundi gantihan, parusahan at patahimikin silang mga tunay na taga-oposisyon.

Pero sabi ng kongresista, hindi naman sila ang apektado dito kundi ang kanilang constituents na mapagkakaitan ng benepisyo.

“Why punish citizens and communities for the earnest and valiant efforts of their Representatives to maintain responsible dissent as the bedrock of democracy?” tanong ni Lagman.

Sabi ng mambabatas, karamihan sa mga binurang alokasyon ay hindi naman para sa tinatawag na “pet-projects” kundi para sa kinakailangang mga imprastraktura sa kanilang mga distrito.

Ni hindi aniya ito hirit ng mga apektadong kinatawan kundi kasama sa isinumite ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa National Expenditure Program (NEP) ng presidente na pinagbabasehan ng taunang General Appropriations Bill (GAB).

Napag-alamang binura ang mga proyekto noong bicam sa budget sa utos umano ni Speaker Pantaleon Alvarez. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?