129

Oct 31, 2017 @ 15:59

Zero crime rate sa Undas, target ng QCPD

Target ng pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) ang ‘zero crime rate’ sa paggunita sa Undas ngayong araw na ito hanggang bukas.

Sinabi ni QCPD Director Chief Supt. Guillermo Eleazar, may kabuuang 23 public, private cemetery at columbary sa kanyang nasasakupan ang mahigpit ngayong binabantayan ng kanyang mga tauhan.

Aniya, maliban sa mga unipormadong pulis at mobile patrol unit ay nagtalaga rin siya ng grupo ng mga ‘sikreta’ na pawang naka-sibilyan na pulis sa A. Bonigacion-Mariveles Gate ng Manila North Cemetery; Sto. Domingo Columbary; Heart of Jesus Columbary; Eternal Gardens Cemetery; Baesa Cemetery; Himlayang Pilipino Cemetery; Agustin Cemetery; St. Vincent Columbary; Holy Cross Cemetery; Parokya ng Pagkabuhay Cemetery; Novaliches Public Cemetery; Mary the Queen Columbary; Good Shepherd Columbary; St. Peter Columbary; Loyola Columbary; Dela Estrada Columbary; Sanctuarium Columbary; Ascension Columbary; Funeraria Paz Columbary; Christ the King Seminary Columbary; Mount Carmel Columbary at Christ the King Columbary.

Nanawagan din ang QCPD director sa publiko na makipag- kooperasyon at iwasang maging pasaway sa pagpunta sa puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay at huwag magdala ng anumang uri ng deadly weapon, matutulis na bagay, nakalalasing na inumin, baraha, sound system at iba pang ipinagbabawal.

Iginiit ni Eleazar na bukod sa 23 sementeryo at kolumbaryo ay iniutos din niya sa kanyang mga tauhan na bantayan ang lahat ng vital installation sa kanyang nasasakupan gaya ng istasyon ng LRT-2, MRT-3, ospital, supermarket, shopping malls, bus terminal, mga tanggapan ng pamahalaan, palengke at iba pang matataong lugar. (Dolly B. Cabreza/With trainee Bridgette Caminoc)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?