300

Dec 28, 2017 @ 12:58
By

Zero casualty sa pagsalubong sa 2018, hamon ni Binay

Katungkulan ng Philippine National Police (PNP) at local government units (LGUs) na siguraduhin na “zero casualty” o walang madidisgrasya sa pagsalubong ng taong 2018.

Ayon kay Senadora Nancy Binay, kailangang ipatupad ng PNP at LGUs ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipagbawal na ang paggamit ng mga paputok.

Tinutukoy ang Executiver Order (EO) 28 na kung saan ipinagbawal ng Pangulo sa mga pribadong mamamayan ang paggamit ng mga paputok.

Nakatadhana sa kautusan na maaari lang ang mga pailaw o firecrackers sa mga lugar na itinakda ng pulisya at LGUs para maiiwas sa disgrasya ang publiko.

“Nanawagan po ako sa ating Philippine National Police at mga local government units na gawing reyalidad ang ‘zero casualties at injuries’ sa pagsalubong ng Bagong Taon,” sabi ng senadora.

Hinimok naman ng senadora ang mamamayan at ang iba pang ahensya ng gobyerno na makipagtulungan sa pagbabantay sa paligid para masawata ang iligal na bentahan at paggamit ng mga paputok at pailaw.

“Ang safety po nating lahat, lalo na ng mga kabataan, ay isang shared responsibility ng lahat ng mamamayan, local government units, at mga sangay ng executive department,” paalala nito.

“Madalas po mga bata ang biktima ng mga iligal na paputok, lalo ng piccolo, dahil sa madaling itago at ibenta ito. Dapat pong bantayang maigi ang pagpasok at paggamit nito sa merkado,” dagdag ng senadora.

Si Binay ay naghain ng Senate Bill 367 kung saan layong ipagbawal ang pagbibigay, pagreregalo at pagbebenta ng mga firecracker sa mga edad 15 pababa.

Ang mga lalabag ay parurusahan ng anim na buwan hanggang anim na taong pagkakabilanggo at pagmumultahin ng hanggang P250,000. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?