9

Oct 13, 2021 @ 15:41
By

Zamboanga hikahos sa oxygen

Kinukulang ng oxygen supply ang mga ospital sa Zamboanga City dahil sa mataas na kaso ng COVID-19.

Ito ang inihayag sa Laging Handa press briefing ni Atty. Kenneth Beldua, spokesman ng Zamboanga City COVID-19 Task Force dahil sa seven-day positivity rate na 23%.

Sinabi ni Beldua na nasa critical level na ang bed occupancy sa mga ospital o nasa 86%, kabilang na dito ang Zamboanga Medical Center na siyang sentro ng COVID referrals sa lungsod.

“Right now we really have a shortage of our oxygen which is a concern that was brought forth by the City Mayor Beng Climaco to the government,” ani Beldua.

Dahil dito aniya ay minamadali na ng city government ang transport ng mga raw material ng oxygen mula sa Cebu at nakipag-ugnayan na rin sila sa mga supplier para mapunan agad ang kakulangan sa gagamiting oxygen sa mga pagamutan.

Umaasa aniya ang city government ng Zamboanga na matutugunan ang problemang ito sa mga darating na araw dahil inaasikaso na ang mabilis na pagdating ng supply ng oxygen.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?