238

Jun 15, 2021 @ 19:19
By

Yumaong Marcos crony, pinagbabayad ng P1.01B

Sa botong 12-0, pinagtibay ng Korte Suprema nitong Martes ang paniningil sa yumaong si Herminio Disini ng P1.01 bilyon kaugnay ng anomalya sa Bataan Nuclear Power Plant (BNPP).

Ang desisyon ng Korte ay magbabago sa naunang inilabas ng Sandiganbayan noong 2012, kung saan $50.56 milyon ang pinababalik kay Desini dahil raw sa mga komisyong nakuha niya sa contractor ng BNPP, ang Burns and Roe and Westinghouse Electrical Corp.

Ayon sa Korte, kulang sa basehan ang desisyon ng Sandiganbayan, at sa halip ay P1 bilyon para sa temperate damage at P1 milyon sa exemplary damage na lamang ang kailangang ibalik ni Disini, na yumao noong 2014 at siyang broker ng BNPP project.

“The high court held that the Sandiganbayan erred in relying on a piece of photocopied document which was not substantiated as a secondary evidence, and which purportedly showed that Disini received US$50 million in commissions,” pahayag ng Korte.

“Nonetheless, the totality of the testimonial and documentary evidence of the government proved that Disini had unduly enriched himself at the expense of the people and the Republic,” dagdag pa nito.

Si Disini ay asawa ng pinsan ni dating First Lady Imelda Marcos. Sinasabing ginamit ng yumaong negosyante ang koneksyon na ito sa pamilya Marcos upang makahakot ng komisyon sa nasabing contractor.

Samantala, ang BNPP naman, na pinondohan ng $2 bilyon, ay naipasara at hindi man lang nagamit dahil sa isyu sa kaligtasan at korapsyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?