39

Aug 3, 2021 @ 14:46
By

Yumaong COVID patients sa Aklan, hinahanapan ng libingan

Kanya-kanyang hanap na umano ng mapaglilibingan ng mga yumaong COVID patient ang mga alkalde sa Aklan matapos magsuspinde ng operasyon ang pinagdadalhan nilang crematorium sa Iloilo City.

Inihayag ito ni Kalibo Mayor Emerson Lachica nitong Martes. Aniya, ipinagutos na ni Governor Florencio Miraflores sa mga alkalde ng probinsya na maghanap na ng mapaglilibingan sa mga yumao dahil sa virus.

“So ngayon dahil sa sira daw ang crematorium sa Iloilo, wala tayong magagawa, dahil as far as advice ng ating governor Miraflores no, na bawat bayan dito sa probinsya ng Aklan ay magkanya-kanya na kami na designated na burial ground,” pahayag ni Lachica.

Kaya naman sa kanyang nasasakupang bayan sa Kalibo, pinaasikaso niya agad ang pagbili ng lote na gagawing libingan.

“Nagrequest tayo sa Sangguniang Bayan ng Kalibo na, for the immediate, na bigyan ako ng authority na mag-purchase ng lote para gawin nating additional cemetery in relation sa ginagawang burial ground,” aniya.

Isa ang Aklan sa mga nakakaranas ng pagtaas ng kaso ng COVID at ngayo’y nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?