0
views

By

Yap, natatakam sa Ginebra

Sharing is caring!

Nagpakita ang vintage James Yap sa MOA Arena Biyernes ng gabi, nagpasabog ng 27 points mula sa 7 for 10 shooting sa 3-point range at sinipa ng Rain or Shine ang GlobalPort 103-97.

Pininturahan ng Elasto Painters ang huling silya sa semifinals, haharapin ang Ginebra sa best-of-five series ng PBA Commissioner’s Cup umpisa bukas sa Smart Araneta Coliseum.

Sa loob ng 14 na taon sa PBA, marami-raming beses na ring nakaharap ni Yap ang crowd favorite Gin Kings sa playoffs mula pa nang kunin siyang No. 2 pick overall ng Purefoods (Magnolia ngayon) noong 2004.

“Kalaban mo d’yan, anim,” lahad ni Yap sa napipintong showdown laban sa crowd darlings. “Kasama ang fans.”

Babanggain din ng two-time MVP na produkto ng UE si Tim Cone, ang coach niya sa San Mig (Magnolia) nang mag-grand slam ang team noong 2013-14 season. Lumipat sa Ginebra si Cone noong 2015, sa sumunod na taon ay napunta naman si Yap sa Rain or Shine sa trade kapalit ni Paul Lee. Sa dalawang nakalipas na seasons ay ngayon lang din umabot ng semis ang Painters.

“Kilalang-kilala ko si coach Tim. Pagdating ng playoffs magaling ‘yan,” lahad ni Yap sa dating mentor. “Magaling mag-adjust. Kelangan maging ready kami.”

Excited na si Yap sa napipintong giyera. Noong 2012 Commissioner’s Cup, tinalo ni Yap at ng B-Meg ang Gins 3-1, makalipas ang dalawang taon ay muling nangibabaw sa pitong laro sa Philippine Cup semis.

“Nasabi ko na ‘ata before. Masarap talunin ang Ginebra dahil marami magagalit sa ‘yo,” nangingiting pahayag ni Yap pagkatapos ng kulang sa 33 minutes na kayod kontra Batang Pier. “Masayang series to. I’m sure maraming taong masisiyahan.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?