69

Sep 15, 2021 @ 18:13
By

Yang, Lao ‘di pwedeng pigilan sa pagdalo sa Senado – Sotto

Maaari umanong pigilan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kayang gabinete na dumalo sa pagdinig sa Senado subalit hindi si dating economic adviser Michael Yang at iba pang personalidad na sangkot sa kontrobersyal na Pharmally deal sa gobyerno.

Ito ang sinabi ni Senate President Vicente Sotto III kasabay ng paglilinaw na may kapangyarihan ang Senado na mag-isyu ng subpoena at warrant of arrest laban sa resource person.

“Hindi naman pwedeng pigilan ng executive department yung mga hindi government officials. Ang pwede lang pigilan yung Cabinet officials pero si Michael Yang hindi naman Cabinet yun,” sabi ni Sotto sa panayam sa Teleradyo.

Tulad ni Yang, hindi rin umano pwedeng pigilan sina dating Budget Undersecretary Lloyd Christopher Lao at Pharmally Director Lincoln Ong na dumalo sa ginawang imbestigasyon ng Senado.

“Hindi na siya gobyerno, nag resign siya e,” sabi ni Sotto patungkol kay Lao.

“Hindi na sila pwedeng pigilan. Nasa power ngayon ng Senado yung either i-subpoena sila or i warrant of arrest sila,” dagdag pa nito.

Sina Yang at Ong ay pinaaresto ng Senate blue ribbon committee dahil sa pagiging mailap sa pagsagot sa mga tanong ng mga senador sa nakaraang mga pagdinig sa Senado.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?