4,981

Oct 28, 2017 @ 15:24

Working student hinoldap, ginahasa ng 7 lalaki

Kalunus -lunos ang naging kapalaran ng isang 19-anyos na working student na nagtatrabaho bilang service crew sa isang fast food chain upang maigapang ang kanyang pag-aaral na matapos na maholdap ay ginahasa pa ng nasa pitong mga drug addict na kanyang kalugar sa gitna ng malakas na pagbuhos ng ulan sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.

Ayon sa biktimang itinago sa pangalang Michonne, ganap umanong ala-una ng madaling-araw nang maganap ang insidente, naglalakad umano siya noon sa kanto ng Purok I Kawal at Dagat-Dagatan Avenue, Barangay 28 ng nasabing lungsod nang harangin siya ng mga suspek na magpipinsang kinilalang sina Bobby Cabuang, Donut Cabuang, Sherwin Cabuang at Damian Cabuang kasama si Ryan Reyes at dalawa pang mga menor de edad na itinago sa mga pangalang Marlo, 17; at Abe, 16, na pawang ng nasabi ring lugar.

Agad umano siyang tinutukan ng patalim ng mga suspek at nagdeklara ng holdap, agad namang ibinigay ng biktima ang kanyang bag na naglalaman ng kanyang mga personal na gamit at pera.

Matapos umano nito’y kinaladkad pa siya ng mga suspek sa gilid ng isang nakaparadang van sa nasabi ring lugar saka pinilahang gahasain.

Bagama’t nanlaban ay wala na ring nagawa ang biktima. Agad na nagsitakas ang mga suspek matapos ang panghahalay at iniwan ang biktima na agad namang humingi ng saklolo sa kapitan ng nasabing lugar na si Barangay Chairman Egay Galgana na mabilis ding pinagbigay-alam sa pulisya ang nangyari at nanguna sa paghahanap sa mga suspek.

Naaresto din naman kaagad ang anim sa mga suspek kabilang ang dalawang menor de edad ngunit hindi na nahagilap pa si Reyes na siya umanong tumangay ng ninakaw na gamit ng biktima.

Kasalukuyan nang nagsasagawa ng manhunt operation ang mga awtoridad laban kay Reyes. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?