38

By

Wolves nawalan ng pangil kay Doncic

Naglista ng 22 points si Luka Doncic, pero mababa na ‘yun sa takbo ng inilalaro niya ngayong season.

Inayudahan siya nina Dwight Powell at Jalen Brunson, at nagawan ng paraan ng Dallas Mavericks na ipagpag ang Minneosta Timberwolves 121-114 Miyerkoles ng gabi. Parehong season-highs ang 24 points ni Powell mula 9 of 9 shooting, at ang 16 ni Brunson.

Tinuhog ni Brunson ang 14 points niya sa fourth nang sindihan ang rally habang nakaupo sa bench ang starters.

May sahog na 7 rebounds at 6 assists si Doncic, napituhan ng technical sa third.

Apat lang ang naikonekta ng Mavs sa unang 27 tira sa labas ng arc pero nagsalpak ng limang sunod sa final period. Sa 3 ni Brunson 7 minutes pa ay lumamang 94-83, sinundan ng isa ni Justin Jackson makalipas ang 23 seconds para ilayo sa apat.

Pagkatapos ng isa pang basket ni Brunson, sinubuan niya si Doncic para ibaon ang una niyang 3 sa laro. Napatingala pa si Doncic, parang nabunutan ng tinik.

Nagsumite ng tig-26 points sina Karl-Anthony Towns at Andrew Wiggins sa Wolves.

May 17 sunod na laro nang naglilista si Doncic ng at least 20 points, 5 rebounds at 5 assists para pantayan ang streak ni Russell Westbrook na second-longest sapul noong 1976-77. Tanging may mas mahabang streak si Michael Jordan (18 games) noong 1988-89.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?