121

Oct 6, 2017 @ 14:40

Witnesses sa war on drug, kakalingain ng mga Obispo

Nadagdagan ang mga Katolikong Obispo na handang magkalinga sa mga gustong magsalita laban sa mga nagaganap na summary killing sa bansa.

Una nang sinabi ni Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) President at Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas na may mga pulis na gustong magsalita laban sa nagaganap na patayan at nakahanda ang Simbahan na sila ay bigyan ng proteksyon.

Kaugnay nito, sinabi ni San Jose Bishop Roberto Mallari na kung may magagawa man ang kanyang diocese, ito ay ang kalingain ang mga natatakot para sa kanilang buhay.

“I’m really one with him (Villegas) and we are opening our doors as sanctuary to those who want to stand for the truth,” saad ni Mallari.

Maging si Balanga Bishop Ruperto Santos ay nakiisa na rin sa panawagan ni Villegas at sinabing payag siyang bigyan ng proteksyon ang mga taong makapagbibigay ng liwanag sa nangyayaring patayan sa bansa dahil sa drug war.

“We support and we are in solidarity with Archbishop Soc,” ang pagtitiyak ni Santos.

Ang Diocese sa Kalookan ay nauna nang nagbigay ng proteksyon sa ilang mga testigo at kanilang pamilya kaugnay sa pagpatay kay Kian delos Santos, ang 17-taong gulang na napaslang sa drug operation ng mga pulis. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?