235

By

Wish ng netizens: Buhay ng child actress Rhed Bustamante, itampok sa MMK

Sharing is caring!

Kahabag-habag ang kinasapitan ng child actress na si Rhed Bustamante, dahil magmula nang nawalan siya ng project ay naging miserable ang buhay ng batang ito.

Na-feature last Sunday sa Rated K ni Korina Sanchez ang lagay ng buhay ngayon ni Rhed. Kalunos-lunos nga ang sitwasyon ngayon ng batang aktres dahil matapos maputulan ng ilaw, pinalayas pa sa dating nirerentahang bahay ang pamilya niya dahil wala silang pambayad.

Matagal nang hirap na hirap ang buhay nila dahil ang ama niyang mekaniko ay walang trabaho mula nang nagkasakit ito sa baga.

Bukod sa amang may sakit, si Rhed mismo ay mayroon ding pambihirang sakit na ang tawag ay Incontinentia Pigmenti na namana raw sa kanyang ina. Ito’y isang sakit na nakaka-apekto sa balat, buhok, ngipin at sa central nervous system.

Nagkataon pa na matagal nang hindi napapanood sa telebisyon at pelikula si Rhed kaya hindi na siya nakakatulong sa kanyang magulang sa pang-araw-araw nilang gastusin.

Si Rhed ay napanood noon sa mga soap na Endless Love ng GMA-7 at sa Kapamilya serye na FlordeLiza. Sa pelikula naman, lumabas siya The Amazing Praybeyt Benjamin, Maria Leonora Teresa at Seklusyon noong 2016 MMFF na kinilala ang husay niya nang pagkalooban ng Special Jury Prize award dito.

Sa ngayon, si Rhed at ang ina niyang si Cecilyn Ibarra ay nagtitinda malapit sa estasyon ng tren sa Sampaloc, Manila. Nangutang dawe sila ng 5-6 sa Bumbay para magkaroon lang ng puhunan.

Sa panayam ng Rated K, sinabi niyang, “Mahirap po isipin, kasi ganoon po talaga ang buhay po. Minsan po, hindi ko na rin alam kung ano ang gagawin para makatulong po ako sa pamilya ko po,” naiiyak na saad ni Rhed.

Gusto rin daw niyang bumalik sa pag-aartista. “Opo, opportunity rin po kasi iyon para po makaraos din po kami,” tugon niya sa tanong ni Ms. Korina.

Dagdag pa ng 11 years old na si Rhed, “Wish ko po, sana po may makatulong sa akin para po sa pag-aral naming tatlong magkakapatid.”

May mga netizen naman na nagre-request na i-feature ang life story ni Rhed sa MMK na siya mismo ang gaganap para bukod daw sa exposure ay kumita pa ito.

May nananawagan din kay Coco Martin na tulad daw ng ginawa ng bida sa FPJ’s Ang Probinsyano na tinulungan ang dating child actor na si CJ Ramos, sana raw ay gawin din ni Coco ito kay Rhed at isama rin ang child actress sa top rating show ni Coco sa ABS CBN.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?