0
views

By

Winning goal ni Mandzukic binitbit ang Croatia sa kampeonato

Sharing is caring!

DALAWA na lang ang naiwang nakatayo sa Russia, ang Croatia at France na magrarambulan sa World Cup final sa Linggo.

Nasa unang tournament final ang Croatia matapos ibaon ni Mario Mandzukic ang winning goal sa 109th minute para sorpresahin ang England 2-1 nitong Miyerkoles sa Moscow.

Naghihintay sa finale ang France na 1-0 winner sa Belgium sa hiwalay na semifinal match.

Sa bukana ng extra time ay nagmukhang lalamang ang England pero nagawang salagin ng header ni Sime Vrsalijko ang bola na halos papasok na sa goal line.

Uuwing luhaan ang mga English, mailap pa rin ang tropeo na itatabi sa nag-iisang Jules Rimet Trophy na iniuwi nila noong 1966 nang i-host ang torneo sa Wembley Stadium.

Unang umiskor ang England sa free kick ni Kevin Trippier sa 5th minute lang ng laro.

Hindi nakasagot ang Croats hanggang sa second half. Inumpisahan ni midfielder Ivan Rakitic ang atake, binigay ang bola kay Vrsalijko na pumasa naman kay Ivan Perisic.

Nag-dive si Kyle Walker para suwagin ang bola pero tumalon si Perisic, nilaktawan ng kaliwang paa ang ulo ni Walker bago pinitik ang bola paalpas kay goalkeeper Jordan Pickford.

Umiskor si Mandzukic nang bigla ay mapunta ang bola sa kanyang harapan sa penalty area, inunahan sina defenders John Stones at Harry Maguire.

Dalawang beses pang tumalbog ang bola, hinabol ni Mandzukic at sinipa ng kaliwang paa papunta sa kaliwa ni Pickford.

Ayon kay Croatia team captain Luka Modric, nakadagdag sa motibasyon ng Croats ang pagbale-wala sa kanila ng ibang tao, lalo ng English.

“English journalists, pundits from television. They underestimated Croatia tonight and that was a huge mistake,” ani Modric sa ITV. “All these words from them we take, we were reading and we were saying, ‘OK, today we will see who will be tired.’ They should be more humble and respect their opponents more.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?