243

Sep 15, 2019 @ 18:41
By

Winnie Monsod bias kina De Lima, LP – Lacson

Biased umano ang TV host at kolumnistang si Winnie Monsod kay Senadora Leila de Lima kaya’t hindi nakakapagtakang punahin nito ang pagdinig ng Senado sa isyu ng katiwalian sa Bureau of Corrections (BuCor) kung saan iniugnay ng dalawang testigo ang senadora.

“Kasi mula’t sapul ang sinusulat ni Ms. Monsod talagang laging biased eh. Sabihin na natin talagang ang bias niya kina Sen de Lima, naroon sa LP. Sabihin na nating ganoon para makadiretso,” pahayag ni De Lima sa panayam sa Dobol B sa News TV kahapon.

“Yan ang problema pagka may kolumnistang nagsusulat. Maski papano nakakaapekto, nakaka-sway ng public opinion. So ang mga sumusulat dapat din may sense of responsibility.

Hindi ang haka-haka nila, wala silang basehan. Kung nakinig lang siya lahat ng buong pagdinig, hindi niya iisipin o isusulat. May mindset na,” dagdag pa nito.

Sa kanyang column sa Inquirer, pinuna ni Monsod ang tila paggamit umano sa mga testigong sina dating BuCOR chief Rafel Ragos at National Bureau of Investigation (NBI) agent Jovencio Ablen Jr. para idawit ang senadora sa karapsiyon sa naturang ahensiya.

Sa pagdinig sa Senado noong Huwebes, binanggit Ragos at Ablen na nagdala sila ng P10 milyon sa bahay umano ni De Lima sa Paranaque City noong 2012.

Ang naturang pera ay komisyon umano ng senadora, na noo’y kalihim ni Department of Justice (DOJ) sa convicted drug lord na si Peter Co.

Gayunpaman, sinabi ni Lacson na nirerespeto niya ang opinyon ni Monsod.

“Pananaw lang ng isang columnist yan. Sinagot ko nga yan, ang usapan dito, drugs and corruption. Hindi ang sino ang pini-pit against kung sino. Yan ang pananaw niya. Opinion niya yan at siya naman nagsusulat, bayaan na natin siya,” ani Lacson.

“Pero hindi natin matatanggap na ganoon talaga ang sitwasyon. Pananaw lang ng isang kolumnista yan, nagpipilit mag-influence ng opinion ng mga nagbabasa ng kanyang column,” wika pa nito.

Paliwanag pa ni Lacson, hindi naman nagpokus ang imbestigasyon ng Senado kay De Lima kundi sa iba’t ibang katiwalian o raket sa loob ng New Bilibid Prison o NBP.

“Hindi naman nag-focus doon (De Lima). Siyempre incidentally, hindi pwedeng maiwasan na mabanggit din yan. Pero ang focus at ang purpose ng pag-imbita kay Dir. Ragos at kay Jovencio Ablen, para malaman ano ba ang ibang racket doon sa loob. Ito ba ay organized, ito ba hindi?” ani Lacson.

“Bukod sa GCTA for sale, ang hospital pass for a fee, ano pa ba mga ibang pinagkakakitaan at nalaman naman natin na marami pang ibang aktibidades na talagang pinagkakakitaan.

At halos lahat, ito naman kumpirmado na rin ng present setup ng mga officials doon, na halos lahat kada galaw kada activity, talagang may bayad,” ayon pa sa senador.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?