34

Jan 20, 2020 @ 17:50
By

‘Window hour’ sa Batangas, pinahinto ni Año

Ipinatigil ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang implementasyon ng “window hour” na ipinagkakaloob nila para sa nagsilikas na residente ng Batangas na nais na bumalik sa kani-kanilang mga tahanan upang kunin ang kanilang mga personal na gamit o di kaya’y pakainin ang kanilang mga alaga.

Ayon kay Año, nagbigay lamang sila ng kaunting humanitarian consideration sa mga naapektuhan ng pagputok ng bulkan ngunit kailangan nilang maging istrikto sa pagpapatupad ng “window hour” at hindi maaaring araw-araw na papayagan ang mga residente na makabalik sa kani-kanilang mga bahay.

Nabatid na pinayagan ng DILG ang mga local government unit na magdesisyon kung magbibigay ng “window hour” sa mga residente depende sa abiso ng Phivolcs.

Binigyang-diin ni Año na ang prayoridad nila ay ang kaligtasan ng mga residente kaya’t hindi nila maaaring isugal ang buhay ng mga ito lalo na at nananatiling napakamapanganib ang sitwasyon sa paligid ng bulkang Taal.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?