14

Oct 13, 2021 @ 12:41
By

Win kontra sa walk-in sa pagtuturok ng bagets

Hinihimok ni Senador Win Gatchalian ang National Task Force (NTF) Against COVID-19 na huwag pahintulutan ang “walk-in system” sa pagbakuna ng mga kabataan upang maiwasan ang pagkukumpol-kumpol sa mga vaccination sites.

Sa Oktubre 15 nakatakdang simulan ang pagpapabakuna para sa mga menor de edad laban sa COVID-19.

Inihayag ni Gatchalian ang panawagang ito sa isang pagdinig sa pilot testing ng limited face-to-face classes.

Tinalakay din sa naturang pagdinig ang pagbabakuna ng mga menor de edad. Unang babakunahan ang mga kabataang may comorbidities at may edad labindalawa (12) hanggang labing-pito (17).

Ang mga kabataang ito ay nabibilang sa Pediatric A3 category. Bibigyan din ng prayoridad ang mga anak ng healthcare workers.

“Ang mungkahi ko sa NTF ay huwag payagan ang first-come, first served walk-in na sistema,” ani Gatchalian.

“Hindi namin pinahihintulutan ang walk-in na sistema dahil talagang mag-iipon-ipon ang mga tao, lalo na ngayong wala tayong kasiguruhan sa pahanon at maya’t maya ay umuulan. Huwag tayong magpatupad ng walk-in na sistema dahil magiging magulo ang pagbabakuna,” pahayag ng senador.

Sabi ng NTF, tinatayang may mahigit 12.7 milyong mga kabataan na may edad na labing dalawa (12) hanggang labing-pito (17).

Paliwanag naman ng Department of Health (DOH), sampung (10) porsyento ng mga kabataang ito ang may tinatayang may comorbidities batay sa Global Burden of Disease. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?