46

Oct 8, 2021 @ 11:46
By

Win Gatchalian balik Senado sa 2022

Naghain na si Senador Win Gatchalian ng kanyang certificate of candidacy (COC) sa pagtakbong muli sa pagka-senador sa 2022 election.

Personal na isinumite ni Gatchalian ang COC sa Commission on elections officers sa Hotel Sofitel’s Garden Harbor Tent sa Pasay City. Tatakbo siya sa ilalim ng Nationalist People’s Coalition (NPC).

“Matapos ang aking pagninilay, napagdesisyunan ko na sumabak sa re-election sa darating na halalan. Minabuti kong ipagpatuloy ang mga nasimulan kong trabaho sa Senado,” sabi n Gatchalian.

Bilang Chairperson ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, naisabatas ni Gatchalian ang mga itinuturing na landmark laws katulad ng Free Higher Education Act na nagbibigay ng libreng edukasyon sa mga state universities at colleges sa bansa.

Siya rin ang nagsulong ng Alternative Learning System (ALS) Act na nagbibigay ng pangalawang pagkakataon para sa mga out-of-school youth na maipagpatuloy at matapos ang kanilang pag-aaral, pati na ang pagpapatayo ng National Academy of Sports (NAS) na huhubog sa potensyal ng mga susunod na henerasyon ng atletang pinoy.

Itinaguyod rin ni Gatchalian hanggang naging ganap nang batas ang Mobile Number Portability Act (MNPA) na nagpapahintulot sa mga mobile phone subscribers na mapanatili ang kanilang cellphone numbers kahit na lumipat sila ng network providers.

Si Gatchalian din ang nasa likod ng Energy Virtual One-Stop Shop Act na nagtatanggal ng red tape upang mapabilis ang lahat ng transaksyon na may kinalaman sa enerhiya.

Bukod diyan, siya din ang naging daan upang maisabatas ang Energy Efficiency and Conservation Act na nagpapalaganap ng energy efficiency at conservation practices sa bansa at nagbibigay ng tax incentives sa mga energy-efficient projects.

Sa pagiging Chairperson ng Energy Committee sa Senado, nagawa niyang maisakatuparan ang Murang Kuryente Act na nagtatapyas ng presyo ng kuryente pati na rin ang Lifeline Electricity Rate na nagbibigay ng subsidiya sa mahihirap na pamilya sa pagbabayad ng kanilang buwanang konsumo ng kuryente. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?