35

May 30, 2020 @ 13:08
By

White House, CNN nilusob; police station sinunog

NEW YORK – Umuusok sa galit ang maraming Amerikano sa panibagong insidente ng police brutality sa Minneapolis na ikinimatay ng biktimang si black American George Floyd, 46 taong gulang noong Lunes.

Una na munang sinunog ng mga raliyista ang isang police station at ilang gusali sa Minneapolis kagabi kung saan nagkaroon din ng nakawan sa mga establishment sa lugar.

Sa Atlanta, Georgia winasak ng mga raliyista ang main entrance ng CNN at ilang oras din nagkaroon ng stand off sa pagitan ng mga pulis at mga raliyista bago nila naitaboy papalayo, pero habang umaatras ay sinilaban ng mga ito ang isang police car malapit sa harap ng CNN Headquarters.

Nilusob din ng mga nagpoprotesta ang White House kung saan tinangka ng mga ito na lumapit sa gate pero hinarang sila ng mga secret service.
Sa New York, dalawang araw ng nagra-rally ang mga galit na Amerino bilang pagpapakita ng suporta sa pamilya ni Floyd.

Sa Los Angeles, bumalandra sa Free-way ang mga raliyista na naging sanhi ng mahabang trapik.

Sa downtown Los Angeles nagsagupa naman ang mga pulis at raliyista kung saan kinailangang gumamit ng flash bang ng mga pulis para maitaboy ang mga ito.

May kahalintulad ding kilos protesta sa Ohio, Colorado, ilang lugar sa California at sa Nevada.

Nakadagdag sa galit ng mga nagpoprotesta ang naging tweet ni US President Donald Trump na “if the looting starts the shooting start” na tila nag-uutos sa mga pulis at national guard na barilin ang mga nagpoprotesta.

Under arrest na ang isa apat na pulis na umaresto kay Floyd.

Nasa $500,000 ang inirekomendang piyansa ng korte para kay Derek Chauvin na una nang sinibak bilang pulis matapos mag-viral ang video ng pag-aresto kay Floyd.

Si Chauvin ang police na tumuhod sa leeg ng biktima na pinaniniwalaang dahilan ng kanyang pagkamatay.

Hiling ng mga nagpoprotesta na ikulong ang tatlo pang pulis na umaresto kay Floyd na sinibak na rin sa serbisyo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?