118

Feb 20, 2020 @ 19:07
By

Whistleblower sa ‘pastillas’ modus pasok na sa WPP

Sasailalim na sa Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice (DOJ) si Immigration Officer Allison Chiong matapos nitong pangalanan ang mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) na sangkot sa “pastillas” money-making scheme.

Ayon kay Senadora Risa Hontiveros, chairman ng Senate committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, inaprubahan na ni Senate President Vicente Sotto III ang “immunity from suit” ni Chiong at maaari na itong isailalim sa WPP.

“Tatanggapin na in a few minutes ng Department of Justice si Mr. Chiong sa kanilang WPP,” pahayag ni Hontiveros sa panayam ng mga reporter nitong Huwebes matapos ang pagdinig.

“Inauthorize ni Senate President Sotto na ang aming witness ay may immunity from suit sa mga ebidensiyang iniharap niya sa aming komite na dumidinig nitong POGO-related prostitution and other crimes in aid of legislation,” dagdag pa nito.

Nauna rito, sinabi ni Hontiveros na sa susunod na pagdinig sa Senado, ipapatawag nila ang mga dati at kasalukuyang opisyal ng BI na pinangalanan ni Chong sa “pastillas” modus.

“Planong ipatawag ng aming komite sa susunod na hearing, among others, si dating BI Deputy Commissioner Red Mariñas upang bigyan ng dagdag na linaw at ang kanyang statement dun sa mga seryosong issue na dininig,” sabi ni Hontiveros.

“Babalikan ko ‘yung lahat ng sinulat kong pangalan at a good number of those ay aming iimbitahan under the principle of command responsibility just to get to the bottom of this. Ilang taon na tayong nakakarinig, paulit-ulit ang ganitong mga problema, mga operation or scheme sa loob ng BI,” sambit pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?