39

Dec 16, 2017 @ 14:26

Westbrook may triple-double sa 3 OT win ng Thunder

Pinahaba pa ng Oklahoma City Thunder ang kanilang winning streak laban sa Philadelphia 76ers sa 17 games matapos ang dramatikong 119-117 triple-overtime victory nitong Biyernes (Sabado, PH time) sa Wells Fargo Center.

Naitala ni Thunder point guard Russell Westbrook ang kanyang NBA-leading 10th triple-double sa season na may 27 points, 18 rebounds at 15 assists. May ambag din si Carmelo Anthony na 24 points at seven rebounds, habang may napigang 24 points si Paul George at tatlong steals.

Sa panig naman ng Sixers ay nagpamalas ng kalakasan si Joel Embiid sa pagtala ng 34 points, eight rebounds at six assists.

Hindi nagawang makipagsabayan ng Philadelphia sa mainit na shooting ng Thunder na nakagawa ng pitong 3-pointers bago ang break.

Lamang ng 11 puntos sa huling anim na minutong natitira sa fourth quarter ang Oklahoma ngunit nakaresponde ng 11-0 run ang 76ers at nakapuwersa ng unang overtime matapos mabigo ang Thunder na makaiskor sa final 5:35 ng regulasyon at hindi pumasok ang tira ni George sa 3-point arc.

Hindi rin na-shoot ang tikada ni Sixers’ Dario Saric sa huling segundo ng unang extra period, habang hindi kumonekta ang reserve layup ni Thunder’s Andre Roberson sa pinale ng pangalawang OT.

Bumawi naman si Roberson matapos malagay ulit sa parehong sitwasyon ang OKC upang tapusin na ang pangatlong overtime.

Naibuslo niya ang layup opportunity sa siyam na segundong nalalabi sa laro.

May pagkakataon sana si J.J. Redick na maipuslit ng Philadelphia ang panalo ngunit natapal ni Patrick Patterson ang kanyang 3-point attempt kaya’t nailusot ng Thunder ang panalo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?