271
‘Ghost dialysis’ itinanggi ng WellMed
Jun 9, 2019 @ 18:48
By

Wellmed Dialysis exec, bantay sarado ng QCPD

Bantay sarado ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang tanggapan ng Wellmed Dialysis Center and Laboratory Center Corp., kasunod ng utos ni Pangulong Duterte sa National Bureau of Investigation (NBI) na arestuhin ang mga opisyal na sangkot sa paggamit ng ‘ghost patients’ upang maka-kubra ng claims mula sa PhilHealth.

Ayon kay Police Brig. General Joselito Esquivel, hepe ng QCPD, wala pa namang direktang utos sa kanila upang arestuhin ang mga opisyal ng Wellmed na matatagpuan sa Quirino Highway sa Novaliches, QC, at sakali aniyang mangailangan ng tulong ang NBI, handa silang magpadala ng mga operatiba.

Magugunitang inihayag ni Philhealth president at chief executive officer Dr. Roy Ferrer, na natuklasan nilang patuloy pa ring humihingi sa kanila ng claims ang WellMed para sa dialysis sessions ng ilang pasyente na umano’y mga patay na.

“In relation to this case, the corporation have filed 28 counts of administrative cases for claims for non-admitted, treated patients, misrepresentations by furnishing false or incorrect information and breach of warranties of accreditations, performance, commitment against the mentioned dialysis center,” pahayag ni Ferrer.

Dahil dito ay naghain ang pamunuan ng Philhealth ng mga reklamo laban sa posibleng kaugnayan ng ilang doktor sa anomalya at pinuri naman ni Ferrer ang mga “whistleblower” na nagsalita upang maibulgar ang naturang anomalya.

Nabatid na ang bawat miyembro ng Philhealth ay mayroong hanggang 90 araw na libreng dialysis session sa isang taon.

Una nang pinabulaanan ng mga opisyal ng ospital ang mga alegasyon bagaman may mga dating empleyadong lumutang at pinatotohanan ang pagkakaroon ng ghost patients.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?