394
Welder patay sa huling tagay
By

Welder patay sa huling tagay

Sinaksak at napatay ng kapitbahay ang isang welder habang tumatagay sa labas ng kanilang tahanan sa Barangay Gulod, Novaliches, Quezon City.

Kinilala ni P/Captain Juan B. Mortel ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktima na si Gilbert Cruda, 53, residente ng No. 23 Paquita St., Brgy. Gulod, Novaliches, QC.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PCpl Christian Loyola, ng CIDU-QCPD, dakong alas-11:30 ng gabi (June 15), masayang nakikipag-inuman ang biktima sa kaniyang kaibigan na nakilalang si Oroy Garcia sa harap ng kaniyang tahanan.

Habang tumatagay ang biktima ay bigla na lamang sumulpot ang kapitbahay na nakilalang si Jeric De Lima at sinaksak si Cruda sa dibdib.

Nang duguang bumagsak ang biktima ay mabilis na tumakas ang suspek habang isinugod naman si Cruda sa Novaliches District Hospital subalit binawian din ito ng buhay bandang ala-1: 20 ng madaling-araw (June 16), ayon kay Dr. Richie Moratalia.

Masusing iniimbestigahan ng pulisya ang naganap na krimen habang pinaghahanap pa ang nakatakas na suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?