230

Oct 23, 2020 @ 14:22
By

Welcome terorista sa Maynila? Moreno pinuntirya ni Parlade

Matapos na patamaan ang mga aktres na sina Liza Soberano at Angel Locsin, si Manila Mayor Isko Moreno naman ang kinuwestiyon ni National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) spokesperson Lt. Gen. Antonio Parlade.

Sa Facebook post ni Parlade nitong Huwebes, nagtaka ito kung bakit inutos ni Moreno ang pagpapatanggal sa tarpaulin sa Roxas Blvd. na nagdedeklarang persona non grata sa mga miyembro ng komunistang grupo na Communist Party of the Philippines (CPP), New People’s Army (NPA) at National Democratic Front (NDF).

“96 cities nationwide already declared the CPP NPA as PNG so my question really is WHY JUST NOW in MManila?” tanong ni Parlade kay Moreno.

“Why would even Manila order the removal of this tarps? Is Mayor Isko welcoming this terrorist?” aniya pa.

Matatandaan na sa nagdaang araw ay pinabaklas ni Moreno ang tarpaulin dahil aniya’y walang puwang ang galit sa kanyang nasasakupan, at dapat na magpokus muna sa pagresolba ng pandemya.

Giit naman ni Parlade, dapat ay bigyan ng tsansang maging mapayapa ang Maynila sa pagbabawal ng mga umano’y terorista sa kanilang siyudad.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?