19

Jun 10, 2021 @ 20:28
By

Weekend vaccination sagot sa mga hindi puwede umabsent – Iloilo solon

Nanawagan si House Senior Deputy Minority Leader at Iloilo Rep. Janette Garin sa gobyerno na magsagawa ng bakunahan kapag araw ng Sabado at Linggo sa mga hindi makapagpabakuna kapag weekdays dahil may pasok sa trabaho.

Ayon kay Garin, isang katotohanan na may mga tao na mas pinipiling pumasok sa trabaho para mapunan ang pangangailangan ng kanilang pamilya sa halip na umabsent para makapagpabakuna.

“Kung aabsent sila, makakaltasan pa sila sa suweldo, bagay na hindi dapat mangyari dahil napakahalaga na buo ang maiuuwi nilang kita sa pamilya,” sabi ni Garin, dating kalihim ng Health department.

Mabibigyan din umano ng pagkakataon ang mga manggagawa na makapagpahinga matapos na mabakunahan bago muling pumasok sa trabaho.

“If they get vaccinated using mRNA vaccines, they can rest on Sunday while those taking the inactivated vaccine can receive their jabs on Sunday,” wika pa ni Garin na ang pinatutungkulan ay ang mga uri ng bakuna laban sa COVID-19.

Pinangunahan ni Garin ang pagsasagawa ng weekend vaccination sa Guimbal, Iloilo noong nakaraang linggo. Umabot umano sa 400 ang nagpabakuna.

Samantala, nanawagan si House Assistant Majority Leader at ACT-CIS Rep. Rowena Niña Taduran nang agarang pagbabakuna sa mga miyembro ng media na bahagi ng A4 priority group.

“Hindi huminto ang mga balita simula nang magka-pandemya. Walang nag-off the air at hindi naman nahinto ang printing ng mga diyaryo. Patuloy rin ang mga balita online. Araw-araw na kinakaharap ng mga taga-media ang panganib ng Covid 19. Sa katunayan, marami nang media workers ang nagka-COVID dahil sa pagtupad sa kanilang mga tungkulin kahit wala pang bakuna,” paliwanag ni Taduran.

Hinimok din ni Taduran ang mga media men na magparehistro sa kani-kanilang lokalidad para mabakunahan.

“The best protection is whatever vaccine is available. Huwag nang mamili, lalo na at pinag-aralan naman ng husto ang mga bakuna bago ito ibigay sa mga mamamayan,” dagdag pa ng lady solon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?