110

By

WBA title ni Nietes kontra Palicte napurnada, nauwi sa tabla

Sharing is caring!

Kulang ang 12 rounds para sa dalawang matinik na Pinoy sluggers.

Parehong umuwing walang bitbit na bagong titulo sina Donnie ‘Ahas’ Nietes (41-1-5 win-loss-draw) at Aston ‘Mighty’ Palicte (24-2-1) nang humantong sa split draw ang bakbakan para sa bakanteng WBO Super Flyweight World title nitong Sabado ng gabi (Linggo ng umaga sa Pilipinas, Setyembre 9) sa SuperFly 3 sa The Forum sa Los Angeles, California.

Hindi maitatangi na pagdating sa pangangatawan, lamang na lamang ang nakababatang si Palicte sa kanyang tangkad at haba ng galamay, ngunit mautak si Nietes.

Bagay na bagay sa kanyang alyas na ‘Ahas’ matapos makalingkis ng mga upak sa kabila ng tangkad ni Palicte. Pagdating ng mga huling round, mukhang pihadong kay Nietes na mapupunta ang kampeonato.

Gayunpaman naging epektibo pa rin si Palicte matapos kumunektang matitindi ring tira kay Nietes.

Humantong ang laban sa kamay ng mga hurado kung saan magkahiwalay na pumabor ang dalawa kina Nietes, 118-110, para kay Palicte naman, 116-112, ngunit walang kinatigan ang isa na umiskor ng 114-114.

Ngunit para sa ibang nakasaksi ng laban, mukhang dapat ay may umuwing nagbubunyi sa salpukang ito.

Batay sa Compubox stats, higit na nakalamang si Nietes na nakakonekta ng 194 sa 523 (37%) total punches, 112 sa 281 (40%) galing sa power shots at 82 sa 242 (34%) jabs.

Si Palicte naman ay mas aktibo ngunit higit na mas maraming mintis sa 124 sa 830 total punches (15%) kasahog ang 89 sa 423 (21%) power shots pati 35 jabs na kumonekta para lamang sa 9% connect rate.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?