157

Jun 19, 2019 @ 17:02
By

Wawa Dam sagot sa water crisis sa Metro Manila

Iminungkahi ng Ecology Ministry ng Archdiocese ng Maynila ang rehabilitasyon ng Wawa Dam bilang sagot sa lumalalang problema sa suplay ng tubig sa Metro Manila.

Ayon kay Lou Arsenio, matagal ding panahon na umasa ang mga taga-Metro Manila sa Wawa Dam na matatagpuan sa lalawigan ng Rizal na ipinasara dahil sa polusyon.

“Sinasabi na namin dati pa na bakit hindi i-restore at i-rehabilitate ang Wawa Dam. Ang Wawa Dam ang orihinal na pinagkukunan ng tubig ng Metro Manila simula pa noong panahon ng mga Amerikano sa Pilipinas,” ani Arsenio.

Dagdag niya, maaari itong ipasaayos ulit sa halip na magtayo ng panibagong dam na makakaapekto naman sa katutubo at kalikasan lalo na ang Kaliwa Dam sa Sierra Madre.

Una ng nagpahayag ng pagtutol si Infanta Bishop Bernardito Cortez sa panukalang pagtatayo ng Kaliwa dam dahil sa panganib nito sa kalikasan partikular na sa mga naninirahan doon kabilang na ang mga katutubo.

Mungkahi din ni Arsenio sa mga residente sa Metro Manila na maging responsable sa paggamit ng tubig.

Tinukoy din ni Arsenio ang pagdami ng mga laundry shop na mas nagpapalaki sa demand ng tubig para sa operasyon nito.

Aniya, ang sobrang paggamit ng washing machine ay kailangan ng mas maraming supply ng tubig na hindi akma sa nararanasang kakapusan ng supply ng tubig ngayon.

Ang Pilipinas ay may 17 dam na pinagkukunan ng tubig bukod pa sa nakatakdang pagtatayo ng Kaliwa dam sa Infanta Quezon para magsupply ng tubig sa Metro Manila.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?