45
Water shortage nilikha para sa China deal - Gabriela
By

Water shortage nilikha para sa China deal – Gabriela

Sama-samang kinalampag ng Gabriela at iba pang mga sektor na pawang mga misis gamit ang mga balde, tabo at galon ang pamunuan ng Manila Water at Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa pagkawala ng tubig sa lahat ng lugar na sineserbisyuhan ng mga ito.

Ayon kay Joms Salvador, Secretary General ng Gabriela, bukong-buko na ang garapalang panggagago sa mga konsyumer ng Manila Water na tila kasabwat ang MWSS at gobyernong Duterte sa paggamit kundi man paglikha ng krisis sa tubig na magtutulak ng deal sa China para sa konstruksyon ng Kaliwa at Kanan Dam.

Magbebenepisyo diumano sa mga dam ang Metro Manila ngunit maglulubog sa mga komunidad ng Dumagat at sisira sa biodiversity ng Sierra Madre.

Higit sa lahat umano ay maglulubog din ito sa bansa sa utang sa China.

“Bagaman nakaamba ang El Niño na totoong maaaring magdulot ng kawalan ng tubig, ang kagyat na pagputol ng daloy ng tubig ay premature at extreme. Dapat ay pinaghandaan na nila itong mabuti dahil halos taon-taon ay dumadanas naman ng ganitong kondisyon kapag tag-init,” giit ni Salvador.

Dagdag pa niya, lalong nagpapakita lamang ito ng kawalan ng malasakit sa mamamayan ng mga negosyo gaya ng Manila Water.

“Sobrang perwisyo ang ginawa ng Manila Water. Dapat lang na gawan nila ng paraan kaagad para maibsan ang hirap na nararanasan ng mga apektadong lugar lalo pa at nagbabanta din ang service interruptions ng Meralco,” dagdag pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?