By

Water interruption sa Metro Manila, Cavite 3-4 na araw pa – Maynilad

Sharing is caring!

Masamang balita, dahil tatagal pa 3-4 na araw ang nararanasang low pressure at kawalan ng serbisyo ng tubig sa ilang lugar sa Metro Manila at Cavite.

Ayon sa Maynilad, magpapatuloy ang water service interruption na nag-umpisa noong Huwebes dahil sa mababang suplay ng tubig mula sa kanilang water treatment plant sa La Mesa Dam.

Ang mga apektadong lugar sa Caloocan, Malabon, Manila, Navotas, Pasay, Quezon City, Valenzuela, Las Piñas at Parañaque City ay patuloy na makakaranas ng water service interruption tuwing 9:00 ng gabi-4:00 ng madaling araw umpisa sa Biyernes ng gabi.

Apektado din dito ang Bacoor, Cavite City, Imus, Kawit, Noveleta at Rosario sa lalawigan ng Cavite.

Paliwanag ng Maynilad, mayroon sila dapat na 60 porsyentong alokasyon mula sa La Mesa Dam pero mas mababa dito ang kanilang nakukuha kaya apektado ang kanilang service level.

Nakipag-ugnayan na aniya ang Maynilad sa Manila Water at sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) para pag-usapan ang alokasyon nila ng tubig.

Oras na ma-plantsa ang tamang hatian ng tubig, duon pa lang mauumpisahan ng Maynilad na mapuno ang kanilang Bagbag Reservoir at maibalik ang normal na serbisyo sa kanilang mga customer.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?