241

Warrant of arrest sa kasong rebelyon, dapat bawiin ng korte – Trillanes

Sharing is caring!

Hiniling ni Senador Antonio Trillanes IV sa Makati Regional Trial Court Branch 150 na baligtarin ang nauna nitong ipinalabas na mandamyento de aresto laban sa kanya para sa kasong rebelyon.

Ito ay sa pamamagitan ng inihaing omnibus motion for reconsideration ni Trillanes sa sala ni Judge Elmo Alameda.

Hiniling ni Trillanes na itakda muna ng korte ang pagdinig sa mosyon ng Department of Justice (DOJ) na siya ay muling ipaaresto nang sa gayon ay makapagpresinta sila ng mga ebidensiya at testigo.

Sa kanyang 20-pahinang apela, nais ng senador na iharap sa sala ni Alameda ang kanyang mga testigo at dokumentong magpapatunay na sumunod at nagsumite siya ng lahat ng rekisito para siya ay magawaran ng amnesty noong 2011.

Magugunitang pinaboran ni Judge Alameda ang urgent motion ng DOJ at naglabas ito ng warrant of arrest laban kay Trillanes noong September 25.

Nag-ugat ang kaso sa naganap na Manila Peninsula Seige noong 2007.

Pero pansamantalang nakakalaya si Trillanes matapos siyang maglagak ng pyansa.

Bukas nakatakdang magdaos ng pagdinig ang Makati RTC Branch 150 para talakayin ang motion for reconsideration ni Trillanes. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?