60

Nov 13, 2019 @ 19:16
By

Warehouse man nagnakaw ng imported chocolates

Kulungan ang bagsak ng isang warehouse man matapos mabuking sa pagnanakaw ng imported chocolates sa pinagtatrabahuang warehouse sa Barangay San Miguel, Pasig City.

Batay sa nakalap na report mula sa Eastern Police District (EPD), nakilala ang suspek na si Aldrine Dariano, 26-anyos, residente ng Pasig City at nahaharap sa kasong qualified theft.

Naganap ang insidente bandang alas-6:00 Martes ng gabi sa RMSI Warehouse na matatagpuan sa M. Eusebio Avenue, Barangay San Miguel, Pasig City.

Ayon kay Philip Castro, 40-anyos, warehouseman supervisor ng Rustan’s Marketing Specialist Inc., nireklamo ng kanilang security guard na si Nicko Paglinawan ang ginawang pagnanakaw ng suspek na papauwi na umano at kailangang dumaan sa security guard para sa inspeksyon ng mga bag.

Nakita ni Paglinawan ang limang piraso ng M&S Swiss chocolate bar (100g) na nagkakahalaga nang P800 sa loob ng bag ng suspek kaya hindi ito pinalabas ng warehouse at sinumbong sa management at sa Pasig Police.

Wala nang nagawa ang suspek kundi harapin ang kasong sinampa ng pinagtatrabahuang kompanya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?