60

Oct 14, 2017 @ 16:35

War on drugs lalaylay – Duterte

Inaasahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte na hihina ang kampanya kontra illegal na droga ngayong nasa solong pangangasiwa na ito ng Philippine Drug Enforcement Administration o PDEA.

Sinabi ng Pangulo na bagamat tiwala siya sa galing at husay ni PDEA Chief Aaron Aquino, hindi siya nakakasigurong kayang pangasiwaan ang lahat ng illegal drug operations sa bansa dahil na sa limitadong bilang ng kanilang organisasyon.

Hindi aniya nito minamaliit ang kakayahan ni Aquino pero ngayong hindi na kasali ang mga pulis, sundalo at maging ng National Bureau of Investigation ay tiyak na aarangkada ang drug syndicates para samantalahin ang pagkakataon.

“Kaya siguro ng PDEA. Mahusay naman si Aaron Aquino. He’s the—he used to be assigned in—Talagang mahusay iyan. But whether his organization can cope up, that is something else,” ang pahayag ng Pangulo.

Pasarkastikong inihayag ni Pangulong Duterte na tiyak na ang Human Rights ang mananalo sa kampanya sa illegal na droga kaya bahala na aniya ang mga ito kapag bumalik ang dating talamak na problema sa illegal na droga sa bansa.

“Ako, frankly? I expect to lose it. Ang human rights ang manalo diyan. Ngayon, kayong mga— sa survey, kasali man kayo na parang kayo ang medyo disappointed, bahala na kayo diyan,” ang dagdag pang pahayag ng Presidente.

Kasabay nito binatikos ng Malacanang ang Amnesty International dahil hindi pa man nag-iinit ang PDEA sa kanilang anti-drug war operations ay inintriga na umano sila ng grupo matapos ihayag na “public relations stunt” lamang ito ng gobyerno para mapahupa ang galit ng grupo sa kampanya ng pamahalaan.

“The Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), which has been recently assigned by President Duterte as the sole agency in charge of the government’s anti-illegal drug campaign, is now being demonized by Amnesty International,” ang pahayag ni Presidential spokesman Ernesto Abella. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?