30

By

War on drugs ng Duterte admin, hihimayin na ng SC

Sharing is caring!

Inilatag na ng Korte Suprema ang mga isyung tatalakayin para sa nakatakdang oral arguments bukas (Martes) kaugnay ng ikinasang drug war ng administrasyon.

Ang pagdinig ay may kinalaman sa mga petisyong inihain ng grupo nina Aileen Almora at Sister Ma. Juanita Daño na parehong humihirit ng writ of amparo dahil sa naganap na mga patayan dahil sa kampanya kontra iligal na droga.

Sa limang pahinang advisory, tututok ang oral arguments sa constitutionality ng PNP Command Memorandum Circular No. 16-2016 na nagdedetalye ng PNP Project: Double Barrel kung saan nakapaloob ang Project Tokhang at Project HVT o High Value Target.

Pagdedebatehan din ang constitutionality ng DILG Memorandum Circular 2017-112 na nagtatakda ng sistema para sa anonymous reporting ng mga hinihinalang kriminal, at kung nararapat bang mag-isyu ang korte ng writ of amparo na inilalabas para maprotektahan ang buhay, kalayaan at seguridad ng isang indibiduwal.

Nais ng korte na himayin kung ang mga kinukuwestiyong memorandum ay lumalabag ba sa polisiya ng gobyerno sa human rights, sa right to life and liberty, right against unreasonale searches and seizures, sa karapatan ng isang taong iniimbestigahan o inaresto, sa karapatan ng akusado, at sa inilatag na pamantayan ng korte sa pagsasagawa ng lehitimong buy-bust operations.

Isinama rin ng hukuman sa deliberasyon ang isyu kung mayroon bang ligal na kapasidad ang mga petitioner para magsulong ng nasabing petisyon, at kung depektibo ba ang mga petisyon dahil sa kawalan ng verification and certification against forum shopping.

Ang panig ng mga petitioner at respondent ay mayroong 20 minuto para maglahad ng opening statement.

Respondents sa nasabing mga petisyon sina PNP Chief Director General Ronald dela Rosa, DILG Officer In Charge Catalino Cuy, Manila Police District Director, Chief Supt. Joel Coronel at ang mga dati at kasalukuyang station commander ng San Andres Bukid, Manila Police.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?