29

By

War on drugs ng Duterte admin, constitutional — OSG

Sharing is caring!

Ipinagtanggol ng Office of the Solicitor General (OSG) ang constitutionality ng kampanya kontra iligal na droga na inilunsad ng administrasyon.

Ito ay batay sa komento na inihain ng OSG sa Korte Suprema bilang tugon sa petisyon ng grupo nina Aileen Almora at Sister Ma. Juanita Dano na kumukuwestiyon sa constitutionality ng Command Memorandum Circular No. 16-2016 na inisyu ni PNP Chief Director General Ronald dela Rosa noong Hulyo 1, 2016 na nagdedetalye ng Project Double Barrel dahil pinapayagan daw sa ilalim nito na patayin ang mga drug pusher.

Kasama rin sa kinuwestiyon sa Almora petition ang DILG Memorandum Circular 2017-112 na nagtatakda umano ng sistema para sa anonymous reporting ng mga hinihinalang kriminal at ito umano ay labag sa right to due process at right to be presumed innocent.

Pero giit ng OSG, hindi isinasaad ng kinukuwestiyong mga kautusan ang pagpatay sa mga drug suspect.

Hindi umano dapat ipakahulugan na pagpatay ang mga salitang “negated” at “neutralized” na eksaktong mga salita na ginamit sa PNP Memorandum Circular.

Sa ilalim ng Black’s Law Dictionary, ang salitang negate ay nangangahulugang “to deny” at “to render ineffective” habang ang salitang “neutralization” ay nangangahulugan na “an act of making something ineffective”.

Kaya kung pagbabatayan ang legal definition ng mga salitang ito, ang negate at neutralize ay hindi dapat ipakahulugan bilang “extralegal killing”.

Sa kapareho ring circular, nakasaad na ang lahat ng operasyon ay dapat na tumatalima sa probisyon ng Republic Act 9165, sa Rules of Court at sa Bill of Rights ng 1987 Constitution.

Ang paglalagay umano ng “drop box” na itinatakda sa ilalim ng kinukuwestiyong DILG Circular ay hindi labag sa “right to be presumed innocent” dahil ito ay paraan lamang ng pagkalap ng mahahalagang impormasyon mula sa mga impormante.

Ang Oplan Tokhang o pagbisita sa mga bahay na nakasaad din sa memorandum circular ng PNP ay isa lamang sa mga istratehiya ng pulisya para labanan ang paglaganap ng iligal na droga.

Dahil dito, hiniling ng OSG na ibasura ng Korte Suprema ang dalawang petisyon dahil sa kawalan ng sapat na merito. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?