84

Dec 27, 2017 @ 9:46
By

War on drugs, bida sa year end report ng Duterte admin

Ang matagumpay na kampanya kontra illegal na droga ang nangunguna sa accomplishment ng Duterte administration sa inilabas nilang year end report ngayong taong ito.

Sa 63 pahinang year end report, ibinida ang matagumpay na kampanya kontra illegal na droga kung saan 1.3 milyong drug users ang sumuko sa mga alagad ng batas, mahigit 118 libong mga nasakoteng drug personalities sa halos 80 libong anti-drug operations.

Halos apat na libo naman ang mga napaslang sa anti-drug operations taliwas sa ipinagpipilitan ng mga kritiko na umabot sa walong libo hanggang sampung libong biktima umano ng extra judicial killings.

Mahigit apat na libong barangay ang idineklarang drug free mula sa higit 42 thousand barangays sa buong bansa.

Sa aspeto naman ng kriminalidad, nakasaad sa year end report ng Palasyo ang bumabang porsiyento ng kaso ng mga nakawan na naitala sa 23.61% kumpara noong nakalipas na taon.

Ang pagsasabatas ng libreng edukasyon ang isa rin sa maituturing na accomplishment ng Duterte administration kung saan mahigit 200 mga state universities and colleges ang magpapatupad nito sa buong bansa.

Bukod sa libreng edukasyon, ipinagmalaki ng Department of Education ang mahigit 36,000 na silid aralan at halos 500,000 na silyang nadagdag, bukod pa rito ang 30,000 na gurong na-hire para sa K-12 program.

Isa rin sa mahalagang accomplishment ng Duterte administration ang pagbabayad ng bilyon bilyong pisong buwis ng Philippine Airlines , Mighty King at ang pagbawi ng gobyerno sa Mile Long sa Makati City na dating pag-aari ng mga Prieto.

Sa loob ng 2017 ay mahigit sampung foreign trips ang ginawa ng Pangulo na nag-uwi naman umano ng multi-billion pesos na investments para sa Build, Build, Build program ng pamahalaan. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?