40

Oct 23, 2017 @ 11:02

War on drugs aabot sa finish line – Panelo

Sa kabila ng mga kontrobersiya at mga balakid, kumpiyansa ang gobyerno na matatapos nila ang kampanya kontra illegal na droga.

Sinabi kahapon ni Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo, umuusad naman ang kampanya sa illegal na droga kahit pa nailipat na sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang solong pangangasiwa nito mula sa Philippine National Police (PNP).

Malaking bagay aniya na naipakita ni Pangulong Rodrigo Duterte kung gaano kalala ang illegal drug trade sa bansa at sa loob ng mahigit isang taon ay maraming naipakitang resulta tulad ng mahigit isang milyong sumukong drug addicts, nailantad din sa publiko anf mga generals na sangkot sa illegal drug trade at tinutugis na ang mga pulis na sangkot dito o yaong tinatawag nga “ninja cops”.

Hindi aniya maiwasang may mamatay sa anti-drug operations dahil lumalaban ang mga drug suspects sa mga otoridad.

“Sa tingin ko uusad naman ng tama.Marami naman tayong nakitang resulta dito, and of course may mga napatay dahil they resisted arrest. Pero sa pangkalahatan, sa tingin  po namin tagumpay ang digmaan sa droga,” ang pahayag ni Atty. Panelo.

Matatandaang inilipat ng Pangulo sa pangangasiwa ng PDEA ang anti-drug campaign dahil na rin sa paggigiit ng mga kritiko na naging ugat umano ng extra judicial killings ang mga inilunsad na anti-drug operations ng mga pulis.

Hindi na rin pinapayagan ng Presidente ang PNP na tumulong sa anti-drug operations sa kabila ng limitadong puwersa ng PDEA. (Aileen taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?