53

Nov 6, 2017 @ 15:03

Wanted na Chinese sa Beijing, ipapa-deport ng BI

Ipatatapon ng Bureau of Immigration (BI) pabalik ng China ang puganteng Chinese na wanted sa Beijing dahil sa economic crimes.

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, agad na isasalang sa deportation proceedings si Lin Ayong, 54 taong gulang, na naaresto ng mga operatiba ng BI-Fugitive Search Unit noong Nobyembre 2, 2017 sa Binondo, Maynila.

Ang pagdakip sa dayuhan ay kasunod ng kahilingan na natanggap ng BI mula sa Chinese Embassy.

Nabatid na kinansela na ng gobyerno ng China ang pasaporte ni Lin kaya siya ay itinuturing nang undocumented alien.

“He will be deported for being an undocumented alien and for being undesirable due to his criminal record for which he is deemed a threat to public safety and security,” paliwanag ni Morente.

Sinabi naman ni BI acting spokesman Grifton Medina na si Lin ay nakakulong na sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa sa lungsod ng Taguig at doon muna siya mananatili habang nakabinbin pa ang magiging kautusan sa summary deportation proceedings na gagawin ng BI.

“He (Lin) will then be placed in our immigration blacklist and banned from re-entering the Philippines,” dagdag pa ni Medina.

Sa rekord ng BI, si Lin ay nagsimulang magtago sa Pilipinas nang siya ay dumating noong Hunyo 17, 2016 at bumiyahe bilang isang turista.

Si Lin ay pinaghahanap sa China sa bisa ng detention warrant na inisyu ng public security bureau ng Jinjiang City sa Fujian, China noong Marso 1, 2017.

Hindi naman nagbigay ng iba pang detalye ang Chinese Embassy kaugnay sa krimen na ibinibintang kay Lin. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?