126

Dec 15, 2017 @ 11:59
By

Wanted: Mahirap subalit matalino na maging pinuno ng PCUP

Naghahanap na si Pangulong Rodrigo Duterte ng ipapalit sa sinibak nitong Chairman ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) na si Atty. Terry Ridon.

Ayon sa Pangulo, ang kailangan nito para mamuno sa PCUP ay tunay na mahirap subalit matalino at may malasakit sa mga mahihirap na Pilipino.

Sinabi ng Presidente na ang hinahanap niya ay ‘yung nakakaalam sa tunay na sentimyento ng mga nasa mahihirap na sektor at hindi nagsasamantala at naglulustay lamang ng pondo para sa pansariling interes.

Tinanong ng Pangulo ang ilang miyembro ng media kung may mairerekomenda ba sila na taglay ang binanggit nitong katangian para agad na maitalaga sa PCUP.

“Kayo ang mamili. Bigyan mo ako ng tao na pobre, nakakaintindi ng pobre at pobre ‘yung buhay niya but who has the brain to do it and I will appoint him tomorrow,” ang pahayag ng Pangulo.

Isa sa mga tinitingnan para sa bakanteng puwesto ay ang international award-winning na guro na si Efren Peñaflorida, na nakilala dahil sa pagtuturo sa mga batang maralita gamit ang kanyang kariton.

Bukod kay Ridon ay sinibak din ng Pangulo ang lahat ng opisyal ng komisyon, kabilang na si Commissioner Melissa Avanceña Ardanas na pinsan ng kanyang partner na si Honeylet Avanceña. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?