67
sandiganbayan
Apr 5, 2018 @ 20:20
By

Walang trabaho pero may business trip, inurirat sa ex-TESDA member

Laking pagtataka ng mga mahistrado ng Sandiganbayan Seventh Division sa inihaing mosyon ng isang dating opisyal ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na payagan itong makalabas ng bansa para sa isang business trip sa US.

Tanong ng mga mahistrado kay dating TESDA Bids and Awards Committee member Ernesto Beltran kung paano nito ipapaliwanag ang kanyang business trip gayung una na niyang sinabi na wala siyang trabaho.

Nabatid na ginamit na katuwiran ni Beltran ang kawalan niya ng trabaho para maibaba ang kanyang piyansa sa P15,000 mula sa unang itinakda ng korte na P30,000.

Sa kanyang huling petisyon, iginiit ni Beltran na kailangan niyang magtungo sa Amerika para hindi mawala ang kanyang consultancy position sa Hytec Power Inc.

Sinabi rin nito na bibiyahe siya sa Kentucky, Indiana at California kaya’t nais niyang makalabas ng bansa sa Abril 7 hanggang Mayo 1.

Ngunit sa halip na pinayagan, binalaan pa ng anti-graft court si Beltran na mahaharap pa siya sa kasong contempt of court kung hindi niya maipapaliwanag sa loob ng limang araw ang kanyang kawalan ng trabaho at business trip sa US.

Nahaharap sa kasong katiwalian si Beltran kaugnay sa P30 million computerization project ng TESDA noong 2007 at kapwa akusado niya si dating TESDA chief Augusto Syjuco.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?