16

Dec 6, 2020 @ 10:32
By

Walang tigil-putukan kahit matapos ang Pasko – AFP

Hindi na irerekomenda ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kay Pangulong Duterte ang ceasefire nila sa New People’s Army (NPA), kahit matapos ang Kapaskuhan.

“Nagsalita na ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas, partikular is ating Chief of Staff, General Gilbert Gapay, na hindi natin imumungkahi sa ating Pangulo na magkaroon ng holiday ceasefire,” sambit ni AFP spokesperson Maj. Gen. Edgard Arevalo sa isang TV interview ngayong araw.

“‘Yung ceasefire, talagang hindi na natin ‘yan irerekomenda even beyond or outside of the holiday season,” dagdag niya.

Sabi ng heneral, hindi raw kasi naging sinsero o tapat ang mga kasapi ng NPA at lagi umanong nilalabag ang dinedeklara nitong tigil-putukan.

Giniit din niyang tuloy daw ang extortion activities ng komunistang hukbo at inaatake rin daw ang mga sundalo na nasa humanitarian operation.

Ayon kay Arevalo, pagpapasiyahan pa lang ng Pangulo ang mungkahi nilang huwag magkaroon ngayong holiday season ng tigil-putukan sa NPA, bagay na pinatupad naman ng parehong kampo noong nakaraang taon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?