113

Nov 5, 2017 @ 17:06

Walang pulitika sa healing mass – Tindig Pilipinas

Hindi umano hahaluan ng pulitika ang healing mass na idaraos ng Simabahang Katoliko ngayong Linggo ng hapon sa Edsa Shrine.

Sinabi ni Karina David, isa sa lead convernors ng grupong Tindig Pilipinas, na tutuon ang misa sa pagdarasal para sa kaliwanagan ng bayan dahil sa mga patayan sa gitna ng giyera kontra droga.

Ang misa na binansagang “Lord Heal our Land Sunday” ay sa inisyatibo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) at bukas sa lahat ng sektor at indibidwal na gustong lumahok.

Panalangin ito para ipatigil ang umano ay polisiya ng gobyerno na paggamit ng kamay na bakal at pagpatay sa mga drug suspect.

Matapos ang misa, magpu-prusisyon patungo sa People Power Monument ang mga lalahok para doon magdaos ng cultural presentations sa loob ng dalawang oras.

Inaasahan ang paglahok ng mga militang grupo at mga taga-oposisyon pero hindi sila pagsasalitain sa entablado at bawal ding magbitbit ng placards.

“Walang banners, walang slogan, panawagan ito para sa paghihilom ng sugat ng bayan. Wala ring speeches, cultural presentation lang po pagdating sa People Power Monument,” pahayag ni David. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?