45

Nov 6, 2017 @ 17:16
By ,

Walang Pinoy na nadamay sa mass shooting sa Texas – DFA

Nakidalamhati ang pamahalaan ng Pilipinas sa pagkasawi ng 26 na tao dahil sa pamamaril ng isang lalaki sa loob ng simbahan sa Sutherland Springs sa San Antonio, Texas nitong araw ng Linggo.

“We are saddened by this unimaginable tragedy in San Antonio that took the lives of many innocent men, women, and children,” pahayag ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano.

“The Filipino people grieve with the families of the victims of this unfortunate incident,” dagdag ni Cayetano na nagsabi na ipinagdarasal din ng bansa ang paggaling ng 20 iba pang nagsisimba na nabaril.

Siniguro naman ng Philippine Consulate General sa Los Angeles na ligtas ang lahat ng 7,400 na mga Filipino sa San Antonio at wala kahit isa na nadamay sa pamamaril.

Sa report ni Consul General Adelio Angelito Cruz, pumasok ang isang lalaki sa First Baptist Church pasado alas-11 ng umaga at biglang pinagbabaril ang mga nagsisimba.

Tumalilis ang lalaki matapos mamaril hanggang natagpuan ng mga otoridad sa isang sasakyan na patay at may tama ng baril.

Ayon kay Cruz, patuloy na iniimbestigahan ang insidente na itinuturing na pinakamalaking mass shooting sa kasaysayan ng Texas.

Ang pamamaril na ito ay wala pang isang buwan mula nung pamamaril sa casino hotel sa Las Vegas kung saan 58 ang napatay at 546 ang sugatan.

Iyon ang itinuturing na pinakamatinding mass killing sa kasaysayan ng America. (Isaac Mendez/Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?