242

Nov 4, 2017 @ 16:45

Walang pambili ng gamot, lalaki nagbigti

Natagpuang wala nang buhay at nakabigti ang isang buto’t balat na 58-anyos na lalaki na may malubha umanong karamdaman sa loob ng kanyang silid sa Caloocan City kahapon ng umaga.

Sa ulat ng Caloocan City Police-Station Investigation Division, ganap umanong alas-siyete ng umaga nang matagpuan ng kanyang mga kaanak ang biktimang si Amador Payawan, walang hanapbuhay, na nakabigti sa kisame ng kanyang silid sa No. 11 Avenue, Grace Park, Barangay 58 ng nasabing lungsod.

Noong nabubuhay pa ay kadalasan umanong nasa loob lamang ng kanyang silid ang biktima at hindi umano mahilig maglalabas dahil na rin sa karamdaman nitong tuberculosis at nito umanong mga nakaraang araw ay halos hindi na umano kumakain ang biktima dahil wala umano itong gana.

Ayon sa mga kaanak ng lalaki, hirap din sa buhay ang biktima kaya sa kabila ng kanyang malalang karamdaman sa baga ay wala rin itong magawa kung hindi magtiis dahil wala naman umano itong pambili ng gamot, hanggang ng umagang iyon ay nagtaka na lamang umano sila na naka-lock ang pinto ng biktima.

Hindi umano iyon karaniwang ginagawa ni Payawan kaya’t agad siyang pinagkakatok ng mga ito at nang wala na ngang sumasagot ay puwersahan na nilang binuksan ang pinto hanggang sa matagpuan na nga ang nakahubad na biktima habang nakabigti gamit ang isang nylon cord.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang pulisya kung may naganap na foul play sa insidente. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?