274

Dec 10, 2017 @ 17:07
By

Walang pambayad sa alak, obrero sinaksak

Hindi na makakasingil pa sa nainom na alak ang isang obrero makaraang masaksak ng katrabaho nang hindi magbayad sa nainom sa beer sa loob ng KTV bar, Sabado ng gabi sa Rosario, Pasig City.

Nakilala ang nasawi na si Lhou Jhims Martin y Martinez, 29-anyos, construction worker matapos magtamo ng tatlong malalalim na saksak sa katawan at doon na mismo nasawi sa loob ng Jaded KTV Bar na matatagpuan sa 164 Dr. Sixto Antonio Ave., Barangay Rosario, Pasig City.

Agad namang tumakas ang suspek na si Loyd Recaido y Labrico, 35-anyos subalit nahuli rin ng mga pulis sa isinagawang agarang follow-up.

Batay sa report, nagkayayaan ang dalawang magkatrabaho na uminom sa Jaded KTV Bar bandang alas 10:30 kamakalawa ng gabi kasama ang isang pang kaibigan na nakilalang si Nelson Babor, nasa hustong gulang, residente din ng Pasig City.

Ayon sa waitress na nakilala lamang sa pangalang Joycee, iniwan ng dalawa ang biktima kaya posibleng nagalit ito at nang dumating si Babor ay agad na nitong pinagsisigawan dahil nang-iwan umano ito.

Napikon at nangpangbuno ang dalawa nang biglang dumating ang suspek na si Recaido na may dalang patalim at biglang inundayan ng saksak ang biktima sabay takas sa krimen kasama si Babor.

Agad na inireport sa pulisya ang insidente at nagsagawa ng agarang follow-up operation kasama ang mga tanod ng Barangay Rosario na naging dahilan ng agarang pagkakahuli sa suspek at narekober ang patalim na ginamit.

Kasalukuyang nakakulong sa Pasig detention cell ang suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?