126
jv-ejercito-ginhawa-ng-bayan
Feb 23, 2018 @ 23:13
By

Walang may ayaw sa kapayapaan

NATUTUWA tayo sa resulta ng aming pag-iikot sa Mindanao at pakikipag-ugnayan sa ating mga kapatid na Muslim kaugnay ng panukalang Bangsamoro Basic Law, o BBL.

Ang BBL, kapag naging batas, ay inaasahang magbubunga ng kapayapaan at asenso sa Mindanao.

Kasama ang iba pang senador, sa pangunguna ni Senador Migz Zubiri na chairman ng Senate Sub-Committee on BBL, dinala namin ang public hearing ng BBL sa Cotabato City, Marawi City, Jolo, Tawi-tawi, Basilan, at Zamboanga City.

Sa mga pagdinig na ito, humanga tayo sa aktibong partisipasyon ng mga kapatid nating Muslim, pati rin ang mga Kristiyanong may pag-aalinlangan dito.

Ang pagpapahayag nila ng kanilang opinyon ay nagpapatunay lamang ng kanilang masidhing pagnanais na tuluyan nang mailatag ang tinatamasang kapayapaan sa “Lupang Pangako.”

Dangan nga lamang at hindi natin puwedeng pagbigyang makapagsalita ang lahat, pero kung papipilahin natin sila isa-isa at tatanungin kung gusto nila ng kapayapaan, siguradong “oo” ang lahat ng sagot na makukuha natin, maliban siguro sa mga probisyon na iminumungkahi ng iba na baguhin, palitan o alisin.

Nagsagawa rin ng ilang pagdinig ang komite sa loob mismo ng Senado kung saan hinimay ang BBL ng kinatawan ng iba’t-ibang sektor kabilang ang akademya at mga personahe na may malawak na kaalaman sa Konstitusyon at batas.

Sa ating assessment, matingkad ang katotohanang walang sinuman ang ayaw sa kapayapaan. Ibig sabihin, lahat ay sawa na, pagod na, at nagtatakwil na sa karahasan at kaguluhan.

Kung mayroon mang magkakasalungat na paninindigan na lumitaw sa mga hearing, ang mga ito, sa ating obserbasyon, ay dahil lamang sa magkakaibang mga panukala hinggil sa mekanismo o proseso ng BBL.

Pero ‘ika nga sa wikang ingles, ang “bottomline” ay nagkakasundo na kailangang mailatag ang kapayapaan sa Mindanao dahil sa payapang kalagayan lamang magkakaroon ng kaunlaran.

Kaya naman iminumungkahi ng ibang sektor na dapat walang pilitan at idaan sa tamang pamimili (referendum) ang panukalang batas na ito.

At kapag may kaunlaran at masagana na ang pamumuhay ng ating mga kababayan, lalong wala nang matutuksong maghimagsik dahil ang kahirapan ang isa sa mga dahilan ng pagrerebelde.

Maski naman noon pa, hindi tayo nag-alinlangan na ang mga Pilipino ay likas na mapayapang lahi.

Mas gusto natin makipamuhay sa isa’t-isa sa kabila ng magkakaibang paniniwala, antas ng karunungan, kalagayan sa buhay, at pananampalataya.

Hindi tuloy natin maiwasang mabanggit ang magandang relasyon at pagkakaisa ng mga kapatid nating Muslim at Kristiyano sa Lungsod ng San Juan.

Kaya nga kapag binabanggit ang “Greenhills,” ang lumalarawan agad sa isip ay mga magkakatabing tindahan ng mga kapatid nating Muslim at Kristiyano.

Sa kabuuan ng BBL hearing, napatunayan na mas mainam ang pagpapalitan ng kuro-kuro para maresolba ang anumang problemang namamagitan.

Ang dayalogo o pagpapalitan ng kuro-kuro ay nagbubunga ng pagkakasundo-sundo at pagkakaisa, kaysa pagpapalitan ng putok ng baril na nagdudulot lamang ng walang saysay na kamatayan.

Kung nagawa natin ito sa BBL, magagawa din natin ito sa lahat ng sigalot at hindi pagkakaunawan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?