221

Oct 30, 2017 @ 17:43

Walang mawawalan ng tirahan sa NLEX-SLEX connector project – Erap

Tiniyak ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada na walang Manilenyo ang mawawalan ng tirahan kapag nagsimula na ang konstruksyon ng P23.3-bilyong NLEX-SLEX Connector Road Project.

Ayon kay Estrada, ang kasunduan nila ng mga project proponents, kabilang na ang Department of Public Works and Highways (DPWH), ay tiyaking lahat ng mga maaapektuhang informal settlers ay mabibigyan ng maayos na relokasyon.

“We will stick to our rule: ‘no relocation, no demolition’. No families will be asked to move out without new homes they can transfer to,” pahayag ng alkalde.

Sa mga may-ari naman ng mga pribadong lote, tiyak aniya na mabibigyan din sila ng tamang kompensasyon sa ilalim ng Republic Act 8974 na nagtatakda ng panuntunan sa right-of-way ng mga pangunahing proyektong pang-imprastraktura ng pamahalaan.

Base sa pagtatantiya ng North Luzon Expressway (NLEX) Corp., aabot sa 3,500 informal settler families (ISFs) sa Maynila ang maaapektuhan ng proyekto at kakailanganing mailipat.

Apektado rin nito ang 1,043 pribadong lote na may kabuuang sukat na 87,174.61 square meters.

Ayon kay Engr. Edward Castro ng NLEX Corporation, 85 porsyento ng alignment ng NLEX-SLEX Connector Road ay dadaan sa 38 barangay ng lungsod ng Maynila.

Tutulong din aniya ang lokal na pamahalaan sa isyu ng road-right-of-way at sa relokasyon ng mga informal settlers na maaapektuhan ng proyekto.

Ang lungsod din aniya ang mangangalaga ng daloy ng trapiko habang ginagawa ang proyekto na sisimulan sa second quarter ng 2018 at matatapos sa 2020.

Ayon pa kay Estrada, ang walong kilometer elevated highway na magdudugtong sa NLEX at SLEX ay malaki ang maitutulong sa pagpapaluwag ng daloy ng trapiko sa mga pangunahing kalsada ng lungsod ng Maynila.

“This will help ease the traffic problem, not only in Manila, but the whole metropolis and other nearby cities,” ani Estrada. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?