53
Walang masamang tinapay kay Almazan
By

Walang masamang tinapay kay Almazan

Bago magsimula ang PBA Commissioner’s Cup, pinakawalan ng Rain or Shine si Raymond Almazan papunta ng Meralco kapalit ng 2019 at 2021 first-round draft picks.

Nakatatlong laro na ang Bolts sa midseason conference at 1-2 record, ‘di pa nakakaliskisan ang 6-foot-8 big man mula Letran dahil nagrerekober pa mula foot injury na dahilan ng limitadong laro sa Elasto Painters sa nagdaang Philippine Cup.

Bago napunta ng Meralco, nasabihan daw si Almazan ng physical therapist nila sa RoS dati na two weeks pa bago siya makabalik sa court.

Ngayong araw posibleng mabinyagan sa Bolts si Almazan, nagkataon pang katapat ng Meralco ang dati niyang team sa second game mamaya sa Mall of Asia Arena.

“Oo nga, eksaktong Rain or Shine pa ang kalaban namin,” ani Almazan, third pick overall ng Painters noong 2013.

Wala raw siyang masamang tinapay sa dating team, maayos silang naghiwalay. Ang gusto lang niya ngayon ay makatulong sa bagong koponan.

“Gusto ko lang makalaro na ulit, comeback stronger,” giit niya. “Gusto ko lang makatulong sa Meralco kung ano ‘yung kailangan nila.”

Matagal nang nangangailangan ng lehitimong big man ang Bolts, inaasa ang gitna dati kina Reynel Hugnatan, Cliff Hodge at Ranidel de Ocampo na pare-pareho pang natural forwards.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?