By

Walang krimen sa Kuwait rescue mission – DFA

Sharing is caring!

Iginiit ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na walang krimen na nangyari sa pagliligtas nila sa inaabusong OFWs sa Kuwait.

Aniya, ito rin ang dahilan kaya’t hindi masasabi na nilabag nila ang Vienna Convention for Diplomatic Relations na siya namang ipinipilit ng gobyerno ng Kuwait.

Sinalubong pa kagabi ni Cayetano si Philippine Ambassador to Kuwait Renato Villa na idineklarang persona non grata sa Kuwait.

Pagdidiin pa ni Cayetano, wala ring basehan ang pagpapalabas ng warrant of arrest laban sa ilang embassy staff dahil wala namang kidnapping na nangyari.

Hindi rin naman aniya sila kikilos nang walang koordinasyon sa mga awtoridad sa Kuwait.

Paliwanag pa nito, na sa 38 rescue missions na kanilang isinagawa, tatlo lang ang agaran nilang inaksiyunan dahil sa sitwasyon sa paniniwala na ayon naman ito sa international law.

Ngunit aniya iba ang paniniwala ng gobyerno ng Kuwait kaya’t agad din naman siyang humingi ng paumanhin sabay giit na ang kanilang naging aksiyon ay para lamang protektahan ang mga kababayan.

Banggit pa nito, ang mga embassy staff na kinasuhan ng kidnapping ay may diplomatic immunity.

Bagama’t aniya hinahayaan pa rin nila na maimbestigahan ng Kuwaiti authorities ang pangyayari, tiwala ito na mapaplantsa na rin ang panibagong gusot na ito sa relasyon ng Pilipinas at Kuwait.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?