24

Jan 19, 2018 @ 12:27
By

Walang kinalaman si Duterte sa suspensiyon ng 4 ERC execs – Roque

Nakahandang sagutin ng Malacañang ang inihaing petisyon sa Court of Appeals ng apat na suspendidong Commissioners ng Energy Regulatory Commission.

Inihayag ito kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque makaraang isali ng apat na suspendidong Commissioners ang Office of the President bilang respondent sa kanilang petisyon na humiling na maglabas ng Temporary Restraining Order at ibasura ang kanilang suspension ng Court of Appeals.

Sinabi ni Roque na nagtataka lamang siya kung bakit isinama bilang respondent ang OP gayong wala namang kinalaman si Pangulong Rodrigo Duterte sa naging suspension ng apat na ERC commissioners.

“Well nagugulat po ako kung bakit nila in-insist ang Office of the President, dahil wala naman pong kinalaman ang Office of the President dito sa suspension nila. Ito po ay desisyon ng Ombudsman at nakatali nga po ang kamay ng Office of the President diyan, dahil gusto man naming tingnan iyong mga alegasyon, ang problema meron namang complainant dito na nagpunta naman sa Ombudsman. So parang kung gagalaw naman ang Office of the President, magrereklamo naman iyong mga respondent ng mga forum shopping. Kaya nga po hindi ganoon kadali itong problemang ito,”ani Roque.

Binigyang-diin ng kalihim na ang Office of the Ombudsman ang nagdesisyon ng isang taong suspension sa apat na Commissioners at hindi ang Malacañang kaya malinaw na walang kinalaman ang tanggapan ng Pangulo sa nabanggit na usapin.

Sinabi pa ni Roque na hindi naman pupuwedeng i-blackmail ang gobyerno para maibalik sila sa puwesto at isantabi ang isyu ng pananagutan para lamang maiwasan ang blackout.

Ang petisyon ay inihain sa Court of Appeals ng apat na Commissioner na sina Alfredo Non, Gloria Victoria Yap-Taruc, Josefina Asirit at Geronimo Sta. Ana. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?